Ang labo ng LOVE
December 21, 2007

Nakakatawa talaga ang love. Isa siyang napakalaking oxymoron. Lahat ng pwede mong masabi sa kanya, baliktarin mo at totoo pa rin.
Ang labo diba? Pero ang linaw.
Masaya magmahal. Malungkot magmahal. Di mo maintindihan pero naiintindihan mo. Walang rason. Maraming rason. Di mo na kaya, pero kaya mo pa rin. Masakit magmahal. Pero ok lang, Teka, ano ba talaga?!
May kakilala ako, sabi niya dati “Love is only for stupid people.”
Nakakatawa kasi cum laude ang standing niya, pero dumating ang panahon, na-in-love din ang hunghang. A ayun, tanga na siya ngayon. Lahat kasi ng nahahawakan ng love nagiging oxymoron din. O kaya paminsan, nagiging moron lang.
Hindi lang kasi basta kabaliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaliktad din niya. Lahat ng malakas na tao, humihina. Ang mayayabang, nagpapakumbaba. Ang mga walang pakialam, nagiging Mother Teresa. Ang mga henyo, nauubusan ng sagot. Ang malungkot, sumasaya. Ang matitigas, lumalambot. (At tumitigas din ang mga bagay na madalas nama’y malambot.)
Nakakatawa talaga. Lalo na kapag dumating siya sa mga taong ayaw na talaga magmahal. Napansin ko nga eh. Parang kung gusto mo lang ma-in-lone ulit, sabihin mo lang ang magic words na “Ayoko na ma-in-love!” biglang WACHA!! Ayan na siya. Nang-aasar. Magpapa-asar ka naman.
Di ba nakakatawa rin na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galing galing mo? Pero pag problema mo na yung pinag-uusapan parang nawawalan ng saysay lahat ng ipinayo mo dun sa namomoblemang tao? Naisip mong wala namang mali dun sa mga sinabi mo. Pero parang wala ring tama?
Bali-baliktad din ang nasasabi ng mga taong tinamaan ng madugong pana ng pag-ibig. “Ngayon ko lang nalaman ganito pala. Sabi ko na eh! Ang sarap mabuhay. Pwede na ako mamatay. Now na!”
At hindi lang yun. Ang sarap din pagtawanan ang mga taong alam naman nilang masasaktan lang sila eh magpatihulog pa rin sa bangin ng pag-ibig. Tapos pag luray-luray na yung puso nila, siyempre hindi sila yung may kasalanan… Siya! “Bakit niya ako sinaktan?” May kasama pang pagsuntok sa pader at pagbagsak ng pinto.
Ang labo talaga.
Nakakatawa noh?
Nakakaiyak…
^^ nice… kahit tagalog.. articulate pa rin ang dating..
Comment by Lhen — January 25, 2008 @ 12:59 am